Ang Divorce Bill ay isang napakahalagang batas na layong bigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawa na matagal nang nasa hindi maayos at masakit na relasyon para magkaroon ng bagong simula.
Oo, ang kasal ay isang sagradong pangako. Ngunit alam din natin na may mga relasyong kahit anong pagsisikap ang gawin ay hindi na maaayos, lalo na kung pananakit, pang-aabuso, pagtataksil, o malubhang ‘di pagkakaintindihan ang dahilan.
Sa kasalukuyan, annulment lang ang paraan para mapawalang-bisa ang kasal, pero maaaring abutin ng isang milyon ang gastos dito at napakatagal ng proseso. Kaya isipin mo, kung ikaw ay araw-araw ay nakakaranas ng pang-aabuso at takot sa loob mismo ng iyong tahanan, mapipilitan kang manatili sa relasyon na alam mong wala nang pupuntahan o maaaring maging sanhi ng iyong kamatayan.
Sa pamamagitan ng Divorce Bill, magkakaroon ng legal na paraan ang mga Pilipino para mapalaya at maprotektahan ang kanilang sarili at mga anak mula sa relasyong mapanakit at puno ng paghihirap. Ang Divorce Bill ay hindi lang tungkol sa paghihiwalay kun’di tungkol sa pagbibigay ng dignidad, kaligtasan, at pag-asa dahil lahat tayo’y may karapatang umibig sa tamang tao at mabuhay nang malaya.